Dumoble na ang natatanggap na tawag ng One Hospital Command Center (OHCC) simula noong huling araw ng Disyembre.
Ayon kay Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, mula sa 80 hanggang 100 ay umakyat na sa 150 hanggang 200 ang tawag na natatanggap ng COVID-19 referral hotline kada araw.
Samantala, mula nang ma-detect ang Omicron variant sa Pilipinas, sinabi ni Vega na inihanda na nila ang muling pagbubukas ng quarantine centers lalo’t tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Matatandaang ilang quarantine centers ang isinara ng mga local government unit matapos na magtuloy-tuloy ang downward trend ng COVID-19 sa bansa simula noong November 2021.
Pero kahapon, Enero 1, sumipa sa 3,617 ang naitalang bagong kaso para sa kabuuang 2,847,486.
Sa ngayon, sampung kaso na ng Omicron variant ang naitala sa Pilipinas kabilang ang tatlong local cases.