Itinutulak sa Kamara ang panukalang magbibigay ng tax break o tax incentives para sa mga doktor na nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga mahihirap na pasyente.
Sa inihaing House Bill 7631 ni Deputy Speaker LRay Villafuerte, itinutulak na ibawas ang naturang tax credits sa gross income ng mga doktor.
Umaasa ang kongresista na sa pamamagitan ng naturang panukala ay mas marami pang doktor ang mahihikayat na magbigay ng libreng serbisyo sa mga indigent patients.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Health (DOH) at Philippine Medical Association (PMA) na i-evaluate ang naturang pro bono services, haba ng oras ng trabaho at kung anong uri ng treatment o serbisyo ang ibinigay ng isang doktor.
Bagama’t nakasaad din aniya sa saligang batas na isulong ang free medical care para sa mga mahihirap ay malaki pa rin ang kakulangan ng bansa sa mga doktor para tugunan ito.
Aniya batay sa global average, ang dapat na doctor to patient ratio ay nasa 1:6,600, ngunit dito sa Pilipinas ang ratio noong 2019 ay umaabot na sa 33,000 na pasyente sa bawat doktor.