Pasig City – Ikinandado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang coco lumber & construction supply na matatagpuan sa Agustin Street Barangay Palatiw lungsod ng Pasig.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng oplan kandado ng ahensya na naglalayong ipasara ang mga establisyementong hindi nagbabayad ng buwis at mga negosyong hindi rehistrado.
Ayon kay BIR Region 7 Director 2 Marina De Guzman, noong Marso pa nila sinurveilance ang A.M Perina Coco Lumber & Construction Supply at inabisuhan ang may-ari noong Abril pero hindi sila pinansin.
Umabot sa walong milyong piso ang atrasong buwis ng kumpanya subalit nasa halos walong daang libo lamang ang kanilang ideneklara noong 2017.
Lumang resibo rin ang iniisyu ng naturang kumpanya.
Ayon pa sa BIR, anim ang branches nito pero ang iba sa mga sangay nito partikular sa Rizal Province ay hindi rehistrado pero nag-o-operate.
Samantala, binigyan naman ng limang araw ng BIR ang may-ari para magpaliwanag at ayusin ang utang na buwis dahil kung hindi ipaghaharap ang mga ito ng Tax Evasion case.