TAX EVASION CASE | Kasong isinampa ng BIR laban sa Rappler, walang basehan – Rappler CEO

Manila, Philippines – Ipinare-review ni Rappler CEO at Executive Director Maria Ressa, ang record ng Bureau of Internal Revenue o BIR. Ito ay bunsod ng tax evasion case na inihain ng BIR sa Rappler ngayong araw.

Ayon kay Ressa, maayos at hindi nahuhuli sa pagbabayad ng tamang buwis ang Rappler. Minsan pa aniyang nabansagan ang Rappler bilang One of the Revenue Region 7’s top corporate tax payers, kaya’t walang basehan ang kasong inihain ng BIR laban sa kanila.

Ayon kay Ressa, bagama’t hindi nila ikinagulat ang hakbang na ito ng pamahalaan upang muli silang i-harass, gayunpaman, nakakagulat aniya ang bilis ng ginawang pagsasampa ng kaso ng BIR lalo’t nitong Lunes lamang, nang matanggap nila ang liham mula sa BIR kung saan ipinasu-sumite sa kanila ang 47 na dokumento at accounting records ng Rappler.


Sa kasalukuyan aniya, hindi pa sila nakakapagpasa ng kahit anumang dokumento. Ibig sabihin, wala pang naisasagawang eksaminasyon ang BIR kaugnay sa di umano’y tax evasion, kaya’t wala dapat basehan ang BIR sa pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments