TAX EVASION CASE | PRRD, hands off sa isinampa ng DOJ kontra sa Rappler CEO

Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa tax evasion case na isinampa laban kay Rappler President Maria Ressa.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, masyadong maraming inaasikaso si Pangulong Duterte para pag-aksayahan ng panahon ang kaso laban sa presidente ng Rappler.

Bukod pa dito ay sinabi din ni Panelo na hindi nangingialam si Pangulong Duterte sa trabaho ng hudikatura bilang paggalang na rin sa pagiging hiwalay at kapantay na sangay ng gobyerno.


Sa ngayon aniya ay bahala na ang hudikatura sa kasong ito at para alamin kung may probable cause sa isinampang kaso ng Department of Justice (DOJ) laban kay Ressa.

Sinabi din naman ni Panelo na mapapawalang sala naman si Ressa kung hindi mapatutunayan sa korte ang kaso laban sa kanya at hanggang sa ngayon ay inosente pa rin naman ito hanggang hindi nahahatulan ng korte.

Facebook Comments