Tax exemption sa honoraria, allowances at iba pang benepisyo ng mga magsisilbi sa eleksyon, lusot na sa huling pagbasa ng Kamara

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong ilibre sa buwis ang lahat ng kompensasyon ng mga magsisilbi sa national at local elections.

Sa botong 202 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay pinagtibay na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 9652 na layong ilibre sa income taxation ang mga matatanggap na benepisyo ng mga indibidwal na magbibigay serbisyo sa halalan.

Inaamyendahan ng panukala ang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997.


Sa oras na maging ganap na batas ay hindi na papatawan ng tax o buwis ang honoraria, travel allowance at iba pang benepisyong ipinagkakaloob sa mga Board of Election Inspectors at iba pang magsisilbi sa halalan.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, pangunahing may-akda ng panukala, nararapat lang na hindi na buwisan ang honoraria at allowances ng mga volunteer poll workers na sinusuong ang panganib maprotektahan lamang ang boto ng mga Pilipino.

Hinikayat naman ni Castro ang Senado na aprubahan na rin sa lalong madaling panahon ang counterpart measure upang maihabol ito bago ang 2022 presidential election.

Facebook Comments