Tax expert na sumuri sa financial records ng Pharmally, nagisa sa pagdinig ng Kamara

Nasermunan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang tax expert na si Mon Abrea sa gitna ng ginawang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng medical supplies na face masks at face shields sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Partikular na kinwestyon ni Marcoleta si Abrea sa ginawa nitong pagsusuri sa financial records ng Pharmally, kung saan tinukoy ng tax expert sa Senado na ang Pharmally ay mayroon lamang capital na P625,000 nang magsimula ito noong 2019 at tumaas pa ng hanggang P7.2 billion noon lamang 2020.

Naunang sinabi ni Abrea na bagama’t walang masama sa pagtaas ng assets ng Pharmally sa loob ng isang taon, hindi naman ito maituturing na normal.


Depensa ni Marcoleta, malinaw na nakasaad sa ilalim ng Bayanihan 1 na hindi kailangan tanungin ang minimum capitalization ng isang kompanya at kung saan nanggagaling ang perang ginagamit ng mga ito.

Ibig sabihin, wala aniyang karapatan si Abrea para magsabi kung mayroong due diligence o wala sa proseso ang pagbili ng pamahalaan ng mga pandemic supplies mula sa Pharmally.

Paliwanag ni Marcoleta, malinaw sa ilalim ng Bayanihan 1 na pinahihintulutan ang mas maluwag na procurement process at exempted din sa application ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.

Facebook Comments