Tax provisions para sa panukalang titiyak sa suplay ng gamot tuwing public health emergency, lusot na sa Komite

Pinagtibay na sa House Committee on Ways and Means ang tax provisions ng panukala para sa maayos na pag-iimbak ng mga kinakailangang gamot sa tuwing panahon ng public health emergency.

Tinitiyak ng panukala na mayroong sapat na suplay ng “strategic and critical drugs”, bakuna at mga kagamitan na kailangang-kailangan sa panahon ng health emergencies tulad ngayong may COVID-19 pandemic.

Nauna nang inaprubahan ng House Committee on Health ang panukala.


Inaprubahan naman ng komite ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang probisyon na nagbibigay ng exemption sa pagbabayad ng income o donor’s tax sa mga indibidwal o kumpanya na magbibigay ng donasyong gamot sa Department of Health (DOH).

Ayon naman kay Quezon Rep. Angelina Helen Tan, may-akda ng panukala, napapanahon at tiyak na malaki ang maitutulong ng panukalang batas sa pagpapalakas ng health system ng bansa lalo’t nakita ngayong pandemya ang pangangailangan na maihanda ang mga gamot, bakuna at kahalintulad, bilang “proactive measure” sa health emergencies.

Magkakaroon din dito ng Health Procurement and Stockpiling Bureau sa ilalim ng DOH na mangangasiwa at titiyak na mayroong suplay ng kinakailangang gamot.

Facebook Comments