Manila, Philippines – Mamadaliin ng House Committee on Ways and Means na aprubahan ang Comprehensive Tax Reform Package (CTRP) ng Duterte administration bago ang sine die adjournment ng 1st regular session ng 17th Congress.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Dakila Carlo Cua, isusumite nila sa rules committee ngayong linggo ang final na bersiyon ng panukalang ito na nakapasa sa Ways and Means at Appropriations Committee.
Inaasahan ni Cua na kung hindi man sa Miyerkules ay sa darating na Lunes maisasalang na sa plenaryo ang panukalang Tax Reform Package.
Ayon pa sa kongresista, malaki ang maitutulong para matiyak ang agarang pagpapatibay nito kung masesertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent measure.
Ang Department of Finance na umano ang trumatrabaho para hingin ang sertipikasyon dito ng Pangulo.
Sa ilalim ng CTRP, ini-adjust ang income tax brackets kung saan libre na sa buwis ang mga kumikita ng 250,000 kada-taon o bahagyang lagpas 20,000 pesos kada-buwan.
Nakapaloob din dito ang dagdag excise tax para sa produktong petrolyo, mga bagong sasakyan pati sugar sweetened beverages.
DZXL558