Isasalang na sa plenaryo ang panukala na magkakaloob ng tax relief sa personal income tax ng mga COVID-19 medical frontliners matapos maaprubahan sa House Committee on Ways and Means ang unnumbered substitute bill dito.
Sa ilalim ng pinagtibay na panukala ay bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professionals na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, nagkasundo ang mga miyembro ng komite na aprubahan ang panukalang “Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra COVID-19 Act” dahil tutol silang buwisan pa ang hazard pays at iba pang allowances na kinikita ng mga medical frontliners.
Giit ni Salceda, ang hakbang na ito ay pagpapakita na rin ng estado na matumbasan ang serbisyo at kabayanihan ng mga healthcare workers sa bansa.
Naunang inirekomenda ni Nueva Ecija Representative Estrellita Suansing na itakda na lamang sa 25% income tax discount ng mga medical frontliners bilang compromise sa naunang isinusulong na i-exempt sa taxation ang lahat ng mga medical at non-medical frontliners ngayong taon.
Umaapela kasi noong una ang Department of Finance (DOF) na malulugi ang gobyerno ng P9 billion kung tuluyang aalisin ang tax sa mga healthcare professionals.
Hindi naman sakop sa bibigyan ng diskwento ang income ng mga medical frontliners na mula sa negosyo, investment at iba pang passive income na wala namang kaugnayan sa treatment, care, aiding at assisting sa mga COVID-19 patients.