TAX | Sen. Sotto, tiwalang mauunawaan at susuportahan din ng ibang senador ang TRAIN 2

Manila, Philipines – Tiwala si Senate President Tito Sotto III na makakakuha ng suporta sa mga kasamahan niyang senador ang ikalawang package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2.

Sa ngayon ay walang ibang senador ang pabor sa TRAIN 2 dahil sa naging epekto ng TRAIN 1 sa presyo ng mga bilihin.

Pero ayon kay Sotto, kapag narinig ng mga senador ang paliwanag ukol sa TRAIN 2 ay siguradong mauunawaan din nila na magiging kapaki pakinabang ito lalo at wala itong ipapataw na bago o dagdag na buwis.


Si Sotto ay nakumbinsing sumuporta sa TRAIN 2 matapos marinig ang paliwanag ni Finance Undersecretary Karl Chua na ibababa ng TRAIN 2 ang buwis na binabayaran ng mga negosyante kaya mas malaki ang kanilang kikitain.

Sinabi din ni Chua na maisaayos ang tax incentives na ipinagkakaloob ngayon sa mga malalaking korporasyon na hindi naman napapakinabangan o napupunta sa kaban ng bayan.

Pinabulaanan din ni Undersecretary Chua na magtataboy ng mga negosyante ang TRAIN 2 dahil base sa mga inihayag ng mga mamumuhunan sa World Economic Forum Survey, nag-aatubili silang mag-invest sa Pilipinas dahil sa port congestion, corruption at infrastructure gaps.

Facebook Comments