Inaatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang ahensya ng pamahalaan na bumuo ng Technical Working Group na layuning magtatag ng military camp sa kapantaran Marawi City.
Sa pamamagitan ng Memorandum Number 41 nakasaad na para mapalakas at mapagbuti pa ang ginagawang hakbang ngayon ng pamahalaan upang tuluyang makabangong muli ang Marawi ipinag utos ng Pangulo ang pagbuo ng TWG.
Kasama sa bubuuing TWG ay mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kabilang na ang Dept of National Defense, Office of Executive Secretary, Dept of Environment & Natural Resources, Land Registration Authority, Dept of Human Settlements & Urban Development at ang Dept of Interior & Local Gov’t.
Nakasaad sa nasabing memorandum na saklaw ng kapangyarihan ng TWG ang pagsasagawa ng census para sa matukoy kung sino-sino ang maaapektuhan ng itatayong military camp sa Kapantaran, Marawi, makonsidera ang pagtatatag ng 3 detachments na binubuo ng 3 battalions na ipapakalat sa boundary ng Marawi at kalapit na munisipalidad gayundin ang pagsasagawa ng resurvey para sa itatayong military camp, matukoy kung sino ang mga nagmamay ari ng lupaing balak pagtayuan ng kampo, maparehistro o mapatituluhan ang lupaing paglalagakan ng military camp kasama na ang pagbibigay ng administrative at technical support sa mga maaapektuhang lgus at ang pagbibigay ng periodic reports sa tanggapan ng pangulo hinggil sa progreso ng pagtatatag ng military camp sa kapantaran Marawi City.