Technical working group ng DOLE tutungo sa Kuwait sa susunod na Miyerkules , upang makikipag-dayalogo sa Kuwaiti Government

Manila, Philippines – Nakatakdang lilipad patungong Kuwait ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment upang malaman ang tunay na kalagayan ng mga OFW doon.

Ayon kay DOLE Undersecretary Claro Arellano pangungunahan nito ang naturang grupo na layong makabuo ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwaiti Government tungkol sa tamang pagtrato sa mga manggagawang Pinoy doon.

Paliwanag ni Arellano, ilan sa mga pangunahing idedemand nila na mailagay sa bubuuing MOA ang hayaan ang mga OFW sa Kuwait na hawakan ang kanilang sariling passport o di kaya’y issurrender nalang sa Philippine Embassy doon ang passport ng OFW sa halip na itago ng kanilang mga employer.


Hihingin rin ng Pilipinas sa Kuwait na payagan ang ating mga kababayan doon na hawakan ang kanilang mga cellphone para madaling makakontak sa oras ng emergency.

Una na aniyang hiniling ng Pilipinas sa Kuwaiti Government na dito nalang sa bansa gawin ang negosasyon pero hanggang ngayon ay wala pang sagot ang Kuwait.

Target naman ng binuong Technical Working Group na magkapirmahan na ng Memorandum of Agreement sa second week ng Marso.

Bukod sa Kuwait, magpapadala rin ang DOLE ng Senior Officials nito sa mga bansang Qatar at Saudi Arabia para igiit ang karapatan ng mga Pinoy nagtatrabaho roon.

Facebook Comments