Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Grace Poe sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang intelligence agencies na makialam sa pagbusisi sa kwalipikasyon ng ikatlong telecommunications company.
Ayon kay Poe, ito ay para matugunan ang pangamba na malagay sa panganib ang ating pambansang seguridad sa pagpasok ng ikatlong telco.
Pahayag ito ni Poe, makaaraang ideklara ng National Telecommunications Commission (NTC) bilang provisional third telco provider ang Mislatel na consortium ng China Telecom at Udena Corporation.
Diin ni Poe, hindi dapat isantabi ang security concerns sa pagpasok ng isang dayuhang kompanya sa telecommunications industry ng bansa.
Kaugnay nito ay pinapasapubliko ni Senator Poe sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang buong basehan ng pagpili sa Mislatel.
Bukod dito ay umaasa din si Senator Poe na ang ikatlong telco ang tutugon sa reklamo ng milyun-milyong Pilipino kaugnay sa palpak na serbisyo ng kasalukuang telcos tulad ng choppy lines, dropped calls at usad-pagong na internet connection.