Telco subscribers, pwede nang panatilihin ang kanilang mobile number kahit magpalit ng network simula sa Setyembre – NTC

Maaari nang magpalit ng network o mag-iba ng subscription ang mga mobile phone users na hindi nagpapalit ng kanilang number simula sa katapusan ng Setyembre.

Ito ang inihayag ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pagdinig ng Senado, kung saan ang Mobile Portability Act o Republic Act No. 11202 ay ipatutupad na ng mga telecommunication company sa September 30, 2021.

Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, nakatakda sana itong ilunsad sa first quarter ng 2021 pero naantala ito dahil sa pandemya.


Ang Smart Communications, Globe Telecom at Dito Telecommunity – ang tatlong major players sa sektor ng telekomunikasyon ay pumasok sa isang joint venture at bumuo ng consortium, ito ay ang Telecommunications Connectivity Inc., para ipatupad ang nasabing batas.

Pinili nila ang US-based company Syniverse bilang kanilang mobile number portability service provider.

Sa ilalim ng Mobile Number Portability Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019, ang mga mobile phone subscribers ay maaaring panatilihin ang kanilang mobile number kahit magbago pa sila ng networks.

Maaari din silang magpalit ng subscription mula prepaid patungong postpaid o vice versa.

Ang mga telcos ay pinagbabawalan nang mag-lock in ng mobile devices sa kanilang network maliban na lamang kung ang device ay nabenta bilang unit o sa ilalim ng service contract.

Hindi na rin kailangan ng mga subscribers na magbayad ng fee kung nais nilang panatilihin ang kanilang mobile number.

Inaalis din ng batas ang interconnection fees na sinisingil sa mga subscribers sa pagtawag o pag-text sa iba’t ibang networks.

Facebook Comments