Posibleng irekomenda rin ng League of Provinces of the Philippines (LPP) ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo sa mga probinsya sa Undas bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni LPP National President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na magpupulong sila sa susunod na linggo para maglabas ng posisyon ukol dito.
“Marami na po kaming mga gobernador na sumsang-ayon na dapat e i-close muna itong ating mga public cemetery at yung sa private e i-regulate. Pero aayusin po namin an gaming posisyon next week,” ani Velasco.
Sakaling sumang-ayon ang mga gobernador, tiniyak ni Velasco na mahigpit pa rin nilang ire-regulate ang inaasahang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo sa mga araw bago ito ipasara.
Maaari aniya silang magbigay ng entry pass para maiwasan ang pagsisiksikan.
“Siguro mga October 29 to November 3 isara na po muna natin. Pero kung titingnan natin, kahit yung mga araw bago ‘yong period na yun e pupunta rin po sila. So tingin ko po, kailangan pong i-regulate din yung pagpasok sa ating mga cemetery mga ilang araw before that period and after. Baka kailangan bigyan ng entry pass yung mga papasok para kontrol na kontrol yung mga tao sa ating mga sementeryo,” dagdag ni Velasco.
Una nang ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moremo Domagoso ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo sa lungsod mula October 31 hanggang November 3, 2020 para maiwasana ng transmission ng COVID-19.
Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, mayorya, kung hindi man lahat ng 17 alkalde sa Metro Manila ang handang ipasara muna ang mga sementeryo sa Undas.
Sa Linggo, magpupulong ang Metro Manila mayors para bumuo ng standard policies para sa temporary shutdown ng mga sementeryo habang maglalabas din ng sariling guidelines ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa paggunita ng Araw ng mga Patay.