Aklan – Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mayroon nang panuntunan para sa pagkakaloob ng tulong na pinansiyal sa mga manggagawa na apektado ng pansamantalang pagpapasara sa isla ng Boracay.
Sa ilalim ng department order no 191 na nakasaad na magkakaroon ng Adjustment Measures Program sa ilalim ng Boracay Emergency Employment Program, kung saan tatanggap ng pinansyal na tulong, employment facilitation at pagsasanay ang mga manggagawa sa Boracay na may pormal na trabaho.
Ayon kay Labor Undersecretary Jacinto Paras na para sa mga apektadong formal sector worker, sila ay bibigyan ng kalahati ng umiiral na minimum wage sa Region 6 o katumbas ng ₱4,205 at ito ay buwanang ibibigay sa loob ng anim na buwan.
Paliwanag ni Paras sa mga manggagawa na hindi tumatanggap ng regular na sahod, sa 25 percent ng minimum wage sa Region 6 o katumbas ng ₱2,102, na ibibigay nang lump sum o buo at ang halaga ay para sa loob ng tatlong buwan.
Sa ilalim naman ng employment facilitation, ang mga benepisyaryo ay dapat na ilapit ng DOLE Regional Office sa Public Employment Service Office.
Kasama ng DOLE ang TESDA, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology at Department of Tourism (DOT) sa pagbibigay ng skills training sa mga apektadong manggagawa para mapataas ang tsansa na sila ay makuha sa trabaho.