Temporary shutdown ng MRT-3, tuloy na muli sa Nov. 14-15, 28-30

May bagong schedule na para sa temporary shutdown ng operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 para sa weekend shutdown ng MRT-3.

Sa abiso ng MRT-3 management, itinakda na sa November 14 hanggang 15 at 28 hanggang 30 ang gagawing pansamantalang pagtigil ng operasyon ng mga tren nito.

Layon nito na bigyang daan ang gagawing bushing replacement sa depot at turnout activity sa Taft Avenue station ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.


Nauna nang ipinagpaliban ang scheduled weekend shutdown noong October 31- November 2 bilang pag-iingat sa pagtama ni Bagyong Rolly sa bansa upang maprotektahan ang mga manggagawa ng MRT-3.

Parte ng gagawing bushing replacement ng 34.5-kilovolt alternating current (kV AC) switch gear ay ang pagsasa-ayos ng bus tie na nagbibigay ng supply ng kuryente sa depot mula sa MERALCO power source nito sa Balintawak at Diliman at pagkukumpuni ng isang panel na mayroong 12 bushing unit.

Sa kabilang banda, ipagpapatuloy rin ang isinasagawang pagsasaayos at pagpapalit ng mga turnouts sa Taft Avenue Station.

Bahagi ng turnout activity na ito ay ang pagsasaayos ng 2A at 2B turnout sections sa Taft Avenue.

Ang mga turnouts ay ginagamit upang makalipat ang isang tren mula sa isang track patungo sa ibang track.

Facebook Comments