Wala nang tensyon sa Jolo, Sulu matapos mailipat sa Camp Crame ang siyam (9) na pulis na nakapatay sa apat na sundalo noong June 29, 2020.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa, dahil sa pagbisita at pag-uusap ng mga opisyal ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP), wala na siyang nakikitang tensyon sa Jolo, Sulu.
Sa kasalukuyan ay naghihintay na lang ang PNP ng resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa Jolo, Sulu shooting incident bago gumawa ng susunod na mga hakbang.
Tiniyak din ni Gamboa na rerepasuhin nila ang kanilang operational procedures at
babaguhin nila ito mula strategic hanggang sa tactical operations.
Layunin aniya nitong maiwasan ang kahalintulad na insidente dahil ang kawalan ng koordinasyon ang una nilang nakikitang pagkukulang sa nangyaring shooting incident.
Matatandaang na una nang tinawag ng PNP na misencounter ang nangyari pero binawi nila ito at tinawag na shooting incident.