Inalok umano ni Senator Cynthia Villar si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ng term sharing o maghatian sila ng panunungkulan bilang pangulo ng Senado sa papasok na 19th Congress.
Inihayag ito ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa at sa kanyang tingin ay nais ni Senator Villar na mauna sa pag-upo bilang Senate president habang wala namang pahayag pa ukol dito si Senator Zubiri.
Ayon kay Dela Rosa, walo silang senador na solid na sumusuporta at nagsusulong ng Senate presidency ni Villar na tinatawag nilang mama bear.
Binanggit ni Dela Rosa na kasama sa grupo nila ang mga pro-Duterte na sina Senators Francis Tolentino, Bong Go, Imee Marcos, Bong Revilla, at incoming Senators Robin Padilla at Mark Villar na anak ni Senator Cynthia.
Nilinaw naman ni Dela Rosa na naniniwala sila na kaya rin ni Zubiri na gampanan ang pagiging Senate president pero nauna silang nangako ng suporta kay Villar na kumausap na sa kanila bago pa ang eleksyon.
Sa ngayon ay si Dela Rosa ang nagsisilbing tulay sa pagitan nina Villar at Zubiri na sa hinaharap ay kailangang direktang mag usap ukol sa pamumuno sa Senado para makamit ang super majority bloc at maiwasan na isang malaking minority bloc ang mabuo.
Samantala, nabanggit din ni Dela Rosa na bukod kina Villar at Zubiri, ay may intensyon din si Senator Sherwin Gatchalian na maging Senate president.