Terminasyon ng UP-DND accord, konektado sa Anti-Terrorism Law

Naniniwala ang isang security expert na may kinalaman sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law ang terminasyon ng Department of National Defense (DND) sa 1898 agreement nito sa University of the Philippines (UP).

Ayon kay Prof. Rommel Banlaoi, may malaking hinala ang pamahalaan na ginagamit ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ang UP bilang ‘safe haven’, recruitment at training ground.

Tingin kasi aniya ng DND, nagiging balakid sa kanila ang kasundan para arestuhin ang mga indibidwal o organisasyon na sumusuporta sa mga aktibidad ng CPP-NPA na idineklarang terorista ng pamahalaan.


Tingin ni Banlaoi, posibleng pinaghihinalaan din ng pamahalaan na may mga tauhan ng unibersidad ang sumusuporta rin sa mga gawain ng mga teroristang grupo.

“Sa tingin ko, pwede akong magkamali sa aking pananaw, na may pinaghihinalaan din ang ating pamahalaan na may mga administration personnel na sumusuporta rin sa mga gawain ng CPP-NPA. At kung mayroon man silang ganong hinala, ay dapat lakasan ang ebidensya laban sa mga indibidwal na ‘to,” ani Banlaoi sa interview ng RMN Manila.

“Ang tinutugis ng pamahalaan natin ay hindi ‘yong mapayapang pakikibaka. Ang tinutuligsa po rito ay ‘yong mga indibidwal na nag-e-endorse, nagpo-promote, nagte-train, nagka-cuddle ng armadong pakikibaka ng CPP-NPA dahil mayroong intensyon ang Duterte administration right now to end sa local communist problem,” dagdag pa niya.

Samantala, ayon kay Banlaoi, dapat na mag-usap ang DND at UP kasunod ng terminasyon ng kasunduan.

Aniya, dapat ipaliwanag ng DND ang pagkansela nito sa kasunduan ‘unilaterally’ habang dapat ding hingan ng DND ng paliwanag ang UP kung bakit kailangan pa itong ipagpatuloy.

Bukod dito, dapat din aniyang mapag-usapan ng dalawang panig ang pagbuo ng rules of engagement kapag magsasagawa ng operasyon ang militar sa loob ng UP campuses para maiwasan ang ‘wrong call of law enforcement operations’.

“Dapat talagang mapag-usapan ng dalawang parties yung mga procedure na ‘to para ma-revise ng ating law enforcement authorities yung kanilang existing rules sa military operations particularly inside the university campuses, not only in UP but also in other campuses in the Philippines.”

Facebook Comments