Termino ng mga mananalong kandidato sa BSKE, nilimitahan lamang sa dalawang taon

Lilimitahan na lamang sa dalawang taon ang termino ng panunungkulan ng mga mananalong kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 2023.

Ito ay kasunod ng deklarasyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang Republic Act 11935 na nagpapaliban sa BSKE mula sa orihinal na petsa nito noong Disyembre 2022, hanggang huling araw ng Lunes sa Oktubre 2023.

Ayon sa Korte Suprema, dahil idineklarang unconstitutional ang RA 11935, muling binuhay ang RA 11462 na nagpapaliban sa May 2020 BSKE, kung saan nililimitahan ang termino ng nanalong local officials hanggang noong Disyembre 31, 2022.


Ito ay nangangahulugan na dapat noong isang taon pa umupo sa pwesto ang mga nanalong opisyal ngunit dahil sa ipinagpaliban na naman ang halalan noong nakalipas na taon ay nagamit na ng mga ito ang halos isang taon sa kanilang panunungkulan hanggang sa darating na halalan sa Oktubre.

Dahil dito, ang magiging susunod na BSKE ay idaraos sa taong 2025.

Samantala, sa kasalukuyan ay nasa 95% ng handa ang Commission on Elections (COMELEC) para sa halalan sa Oktubre kung saan kailangan na lamang na mag-imprinta ng karagdagang mga balota at sanayin ang mga guro para sa halalan.

Facebook Comments