Cauayan City, Isabela- Pinaniniwalaang gawa ng rebeldeng Henry Abraham Command- New People’s Army ang pagsunog sa isnag bunkhouse sa Brgy. Dagupan, Lal-lo, Cagayan kahapon, October 9.
Ayon sa mga otoridad, patunay lamang ito na hindi makatao ang kanilang ginagawa gayundin ang kanilang tutol sa pag-angat ng pamumuhay ng mga residente sa nasabing lugar.
Sa pahayag ng ilang residente, patatayuan ng imprastraktura para sa pangkabuhayan ang mga lupang nabili ng negosyanteng si Danilo Tamayo na siya namang sinusuportahan ng mga residente ngunit tinutulan ng mga teroristang NPA.
Ayon sa salaysay ng mga saksi na security guards, nagtungo ang hindi mabatid na bilang ng mga indibdiwal sa bakuran na pagmamay-ari ni Tamayo at biglaan na lamang silang piniringan at iginapos.
Matapos nito, sinunog ng naturang grupo ang tatlong mga kubo at tinangay ang isang shotgun at 9mm pistol na baril.
Agad itong ipinagbigay alam sa tanggapan ng 501st Infantry Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army na nakatalaga sa nasabing lugar na kung saan, mabilisan naman ang ginawang pagresponde ng naturang hanay.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari habang nagsasagawa na ng manhunt operation ang kasundaluhan kasama ang kapulisan para sa agarang pagkakahuli ng mga salarin.
Natukoy naman sa inisyal na imbestigasyon na ang biktimang si Tamayo ang nagmamay-ari ng DDT Construction Inc.
Dahil sa hindi makataong ginawa ng mga rebeldeng NPA, apektado ngayon ang pangkabuhayan ng mga trabahante sa naturang kumpanya.
Kinokondena ng Lokal na Pamahalaan ng Lal-lo at ng buong Cagayan maging ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang ginawang pananabotahe ng mga rebeldeng NPA sa pag-unlad sa bayan ng Lal-lo.
Ayon kay BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, taliwas sa kanilang ipinaglalaban, ang panununog na ito ang mismong patunay na sila ang lumalabag sa karapatang pantao. Nagpapakita lamang ito ng kanilang kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan dahil sa takot na kanilang idinudulot sa mga tao sa bayan ng Lal-lo.
Dagdag pa ni BGen Mina, “Maging ang kanilang pagtangay ng mga baril ay isang paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions. Nagpapatunay lamang ito na walang kinikilalang batas ang teroristang NPA na nangangahulugang ayaw nila sa maayos na sistema sa pamamalakad ng pamahalaan.”
Aniya, maging ang ginawang pagsunog ng mga rebeldeng NPA sa tatlong mga kubo ay nagpapakita ng kaduwagan sapagkat kanilang idinadaan sa dahas ang kanilang laban. “Kailan man ay hindi kukunsintihin ng ating pamahalaan ang mga ganitong gawain ng teroristang NPA.
Sila ay hadlang sa kaunlaran ng bawat bayang nagsusumikap tulad ng La-lo, Cagayan. Higit pang papaigtingin ng ating kasundaluhan ang Focused Military Operation (FMO) upang matugis at mahadlangan ang mga Terroristang grupo na walang ng ginawa kundi ang manggulo at maghasik ng takot.”
Hinikayat ng heneral ang publiko na makipagtulungan sa kasundaluhan at kapulisan sa Lambak ng Cagayan at Cordillera Region upang tuluyan ng masupil ang karahasan ng mga rebeldeng NPA.