Territorial integrity ng Pilipinas, hindi dapat makompromiso sa panukalang joint exploration kasama ang China – Sen. Bong Go

Ipinaalala ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na unahin ang interest ng mga Filipino sa gitna ng mga panawagan para sa joint energy exploration sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Ako naman, s’yempre unahin natin ang interes ng ating mga kababayan,” sabi ni Go sa ambush interview makaraang magbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Pasay City.

Sinabi ni Go na bukas siya sa proposal basta’t hindi malalagay sa panganib ang territorial integrity ng bansa at magbibigay ito ng benepisyo sa mga Filipino.


“In principle, wala naman po akong tutol na magkaroon tayo ng joint exploration with China as long as hindi po apektado ang territorial integrity ng bansa in doing so, ibig sabihin unahin po natin ang interes ng mga kababayan natin,” aniya.

“Kung ano po ang atin, atin. What is due to our country, due to our fellow Filipinos dapat ibigay po sa atin,” pagbibigay diin pa ng senador.

“Kung makakatulong sa ating mga kababayan, hindi pwedeng tayo ang malugi… Kung makakatulong naman po sa ating ekonomiya, bakit hindi, pero siguraduhin po nila na pabor po sa atin o pantay,” saad pa ni Go.

“Nasa administrasyon na po ‘yan kung gusto nilang ipagpatuloy itong joint exploration with China,” dagdag pa niya.

Sa isang press briefing, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na pag-aaralan ng national government ang proposals para sa joint exploration kasama ang China.

Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Liu Jianchao, dating ambassador ng China sa Pilipinas, na umaasang iko-konsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang joint exploration.

Umaasa ang Chinese minister na magkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng dalawang  bansa at magpapakita ang mga partido ng flexibility para sa inaasam na kolaborasyon.

Facebook Comments