Magsasagawa ang Commission on Election (Comelec) ng test run sa pagboto gamit ang internet.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, sisimulan ang internet voting sa Sabado, September 11, alas-8:00 ng umaga at magtatapos ito sa September 13 sa parehong oras.
Ite-test run ang mobile program application ng kompanyang VOATZ na siyang nanguna sa ginanap na internet voting sa Amerika.
Sa impormasyon ng Office For Overseas Voting ng Comelec, agad na ilalabas ang resulta sa gagawing test run para sa internet voting.
Nilinaw naman ng mga opisyal ng VOATZ na hindi lahat ng modelo ng cellphone ay magagamit sa online voting lalo na ang mga ginalaw tulad ng mga sumailalim sa tinatawag na ‘jailbreak.’
Sinisiguro rin ng VOATZ ang seguridad sa test run hinggil sa internet voting.
Maging ang Comelec ay sinabing hindi nila ito gagamitin sa 2022 elections at ang hakbang na ito ay bilang paghahanda nila sa mga susunod na halalan kung saan nais nilang matiyak na epektibo ito at walang magiging problema.