Manila, Philippines – May hawak nang mga testigo ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa masamang epekto sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre may mga magulang nang lumapit sa Department of Justice (DOJ).
Ang isang magulang na nagreklamo ay mula sa Bulacan kung saan daing nito matapos sumailalim sa dengue vaccination program ang kanyang anak ay palagi na itong nahihilo.
Ang isang magulang naman na dumulog sa DOJ ay mula sa Lucena kung saan ang anak nitong grade 4 student ay nagkaroon ng baby TB, humina ang resistensya at naging sakitin.
Masusi din aniyang tutukuyin ng NBI kung ang 3 namatay na mga bata mula sa Bataan na una nang ibinulgar ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ay may kaugnayan sa Dengvaxia.
Kontrobersyal ang naturang dengue vaccine makaraang aminin mismo ng Sanofi Philippines ang manufacturer ng dengvaxia na posibleng tamaan ng mas matinding sakit ang mga batang nabigyan ng Dengvaxia kung hindi pa sila nagkakasakit ng dengue.