Manila, Philippines – Hindi pa nagbibigay ng kanilang pahayag ang magkapatid na Parojinog sa PNP Internal Affairs Service na nagsasagawa ng Moto Propio investigation.
Ito ay kaugnay sa nangyaring madugong pagsalakay ng pulisya sa bahay ng mga Parojinog nitong nakalipas na buwan.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, hanggang ngayon wala pang sagot sina Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid nitong si Reynaldo Parojinog Jr. sa kanilang hiling na payagan ang mga imbestigador ng IAS na kunan sila ng testimonya sa pangyayari.
Ang dalawa ay nakakulong ngayon sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Sakali naman daw pumayag ang magkapatid na makuhaan sila ng testimonya, papayag ang IAS na samahan sila ng kanilang lead counsel na si Atty. Ferdinand Topacio.
Patuloy naman ang paghahanap ng PNP-IAS ng mga witness sa pangyayari.
Sinabi ni Atty. Triambulo marami na silang na-interview na mga witness pero ayaw magbigay ng affidavit o written statement ng mga ito.
Matatandaang sa nangyaring magdugong pagsalakay 15 ang nasawi kabilang na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at asawa nitong si Susan Parojinog.
Isinasangkot ang pamilya Parojinog sa umanoy operasyon ng iligal na droga sa Ozamiz City.