Manila, Philippines – Naglabas ng 20 pahinang committee report si Senator Panfilo Ping Lacson bilang chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Kaugnay ito sa pagdinig na isinagawa ng Senado sa ikalawang testimonya ni SPO3 Arthur Lascañas na nagdidiin kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang lumikha ng Davao Death Squad o DDS at nag-utos sa mga pagpatay na isinagawa ng grupo noong siya pa ang mayor ng Davao City.
Sa committee report number 97 ay hindi binigyang bigat ang nabanggit na testimonya ni Lascañas sa katwirang hindi nito nasira ang nauna niyang testimonya sa senado na nagsasabi na wala siyang kaalaman ukol sa DDS.
Sabi ni Senator Lacson sa committee report, hindi si Lascañas ang makapagpapatotoo ng pag-iral ng DDS at walang maitutulog ang kanyang mga pahayag para bigyang katarungan ang mga biktima ng pagpatay sa Davao City.
Gayunpaman, hindi inirekomenda ng komite na kasuhan si Lascañas.
Ang rekomendasyon ng committee report ay amyendahan ang revised penal code para pabigatin ang parusa sa perjury o pagsisinungaling.
Inirerekomenda din ng committee report na baguhin ang rules ng Senado para parusahan ang sinumang testigo ng magsisinungaling o magbibigay ng hindi magkakatugmang pahayag sa mga pagdinig.
Binigyang diin ng committee report na ipinapakita ng magkasalungat na testimonya ni Lascañas na may mga indibidwal na may lakas ng loob na magsinungaling sa Mataas na Kapulungan na may mandato itinatakda ng konstitusyon para magsagwa ng imbestigasyon in aid of legislation.
Ang nabanggit na committee report ay pirmado na nina Senators Gringo Honasan, Manny Pacquiao, JV Ejercito, Nancy Binay, at Tito Sotto III.
Nakapirma din sina Senators Ralph Recto at Grace Poe pero may note na ang recommendations lang ang kanilang pinapaboran at hindi ang findings ng komite.
Si Senator Sonny Trillanes, ay nakalagda pero may note siya na hindi niya suportado ang committee report at handa siyang mag-interpellate.
DZXL558