Mas pinalakas na testing, tracing at isolation sa lahat ng point of entries sa bansa ang apela ng isang kongresista.
Sa gitna na rin ito ng banta ng mas nakakahawang Omicron COVID-19 variant.
Pinatitiyak ni Deputy Speaker Bernadette Herrera sa pamahalaan ang pagpapatupad ng mas pinaigting na protocols para sa mga papasok sa bansa.
Aniya, bagama’t may travel restriction nang ipinatupad ang Pilipinas para sa mga biyahero galing South Africa at mga bansang may positibong kaso ng Omicron, kailangan pa rin maghigpit ng pamahalaan.
Diin nito na hindi dapat makalusot ang Omicron sa borders ng bansa dahil maaaring mawalan ng saysay ang ating mga paghihirap at pagtitiis lalo na sa paulit-ulit na lockdown mula pa noong isang taon.
Dagdag pa ng Bagong Henerasyon Party-list representative, ang panibagong variant ay patunay na hindi pa talaga tapos ang pandemya kaya’t kailangan magdoble kayod ng gobyerno upang hindi ito makapasok sa bansa habang nagpapatuloy naman ang vaccination program ng pamahalaan.