Muling inutusan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telecommunications company na araw-arawin ang pagbibigay ng babala sa publiko laban sa talamak na text scams.
Sa memorandum na may petsang September 8, 2022, inutusan ng NTC ang DITO Telecommunity, Globe Telecom at Smart Communications na padalhan ng text blasts ang mga subscriber nila mula ngayong araw, September 9 hanggang sa September 15, 2022.
Dati na ring nagpalabas ng ganitong kautusan ang NTC noong Mayo hanggang Agosto.
Pero nagpatuloy ang paglaganap ng personalized text scam hanggang ngayong buwan kung saan binabanggit na rin sa mensahe ang pangalan ng mga binibiktima nila ng modus na pekeng trabaho, bonus cash at iba pang kahalintulad na money scams.
Samantala, sa hiwalay na memorandum, inatasan din ng NTC ang mga regional director at officer-in-charge nito na lumabas sa local radio at television stations upang palawakin ang kanilang information campaign laban sa text scams.
May hanggang September 19 ang kanilang mga regional directors at mga telco firm para magsumite ng written compliance reports sa NTC.