Positibo ang pagtanggap ng Malacañang sa desisyon ng University of the Philippines Diliman na magkaroon ng asignaturang tatalakay sa panahon ng batas militar simula Enero sa susunod na taon.
“That’s good. It’s a subject matter every student should know and learn; any subject concerns governance,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo nitong Lunes.
Inimungkahi bilang general subject sa UP Diliman ang “Philippine Studies 21: Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar.”
Kamakailan lang ay inaprubahan ng university council na binubuo ng regular na faculty members ang nasabing panukala.
Ayon kay UP Diliman Vice Chancellor for Academic Affairs Evangeline Amor sa isang panayam, sisimulan na agad ito sa susunod na semestre kasunod ng pag-apruba ng Presidente.
Idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar sa bansa noong Setyembre 21, 1972 bilang tugon sa lumalawak na komunismo.
Noong 2009 naman, panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, isinailalim din sa batas militar ang bansa kasunod ng Maguindanao massacre.
Habang noong 2017 naman, nagkaroon din ng martial law dahil sa Marawi siege.