Manila, Philippines – Pinaghahandaan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang taunang shake drill.
Ito ay bilang paghahanda sa ‘The Big One’ o magnitude 7.2 na lindol na yayanig sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, hindi nila i-aanunsyo kung anong petsa ngayong buwan gaganapin ang Metro Manila Shake Drill.
Aabisuhan aniya ang publiko kapag sa araw na ng drill.
Dagdag pa ni Garcia, dahil wala pa sinuman ang kayang tukuyin kung kailan mangyayari ang lindol ay marapat lamang na handa ang publiko sa anumang oras.
Ang shake drill ay isasagawa sa loob ng tatlong araw.
Ang mga telecom networks ay magpapadala text message para i-broadcast ang drill.
Ang mga establisyimento, simbahan at eskwelahan maging ang mga himpilan ng radyo ay patutunugin ang kanilang warning system bilang hudyat ng pagsisimula ng drill.