Isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang pagkakaroon ng third tranche ng ayuda para sa mga maaapektuhan ng panibagong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Hontiveros, dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga manggagawang matitigil sa trabaho at mga negosyong magsasara dahil sa ECQ.
“Pag may usapang ECQ dapat may usapang ayuda din. Hindi po biro ang kalahating buwan din po iyon at pati po yung survival ng ating maliliit na negosyo, e tingin ko habang meron pa ring pandemya plus yung resesyon at lalo na sa mga linggo na kailangan ulit mag-impose ng quarantine, dapat talaga ay magkaroon tayo ng third tranche ng ayuda o kung ilan pa ang kailanganin hanggang gumaling tayo sa pandemya,” ani Hontiveros sa interview ng RMN Manila.
Bukod sa ayuda, ipinanawagan din ng senadora ang pagpapabilis sa vaccination program, testing at contact tracing para masabayan ang mabilis na hawaan ng COVID-19 dahil na rin sa Delta variant.
Aniya, dapat na umabot sa 785,000 doses ng bakuna ang dapat na maiturok kada araw.
Kung hindi ito magagawa, baka abutin pa ng June 2022 bago maabot ang herd immunity na target sana ng Department of Health (DOH) pagsapit ng katapusan ng taon.
“Kasi kung magpapatuloy lang tayo dito sa average daily vaccination rate natin, naku po aabot tayo ng herd immunity hindi sa katapusan ng taon kundi sa Hunyo pa ng 2022, eleven months, halos isang taon mula ngayon,” saad ng senador.
“Sayang di ba yung katiting na nausad natin nitong nakaraang ilang mga buwan, parang nawawalan ng bisa kung pabago-bago, o Malabo pa yung mga polisiya nila,” dagdag niya.