Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) na pababa na ngayon ang trend ng mga nadadagdag na kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Sa interview ng RMN-Manila kay BAI Executive Director Dr. Ronnie Domingo, binanggit nitong walang bagong lalawigan ang nadagdag sa kanilang listahan sa nakalipas na 30 araw.
Aniya, ito ay posibleng bunsod ng paghihigpit ng hog raisers at Local Government Units sa pagpapapasok ng mga baboy sa kanilang lugar.
Kinumpirma rin ni Domingo na nasa third wave na mula pa noong buwan ng Agosto hanggang Setyembre ang ASF dito sa bansa.
Aniya, ang first wave ay naitala noong Oktubre ng nakaraang taon at ang second wave ay nito lamang Pebrero.
Malaking bagay rin ang mga ipinatupad na community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa pagpigil ng ASF.
“Naging advantage ang COVID-19 sa ASF kasi po noong nagsimula ang COVID-19 sa Pilipinas, nagkaroon tayo ng Enhanced Community Quarantine. Halos hindi po gumagalaw lahat ng mga sa mga tao noon kaya’t bumagsak po ang ASF cases natin. Nakatulong po ‘yon.” ani Domingo.
Maliban dito, nakaapekto rin aniya ang ASF sa pagtaas ng presyo ng karneng baboy dahil tinatayang 20 hanggang 30 percent ng baboy ang nawala sa mga rehiyon na pangunahing pinagkukunan ng supply ng karne sa Metro Manila.
Samantala, muli namang iginiit ni Domingo na walang direktang epekto ang ASF sa katawan ng isang tao.