Manila, Philippines – NCRPO nakahanda na sa isasagawang tigil pasada bukas
ng grupong PISTON.
Magpapakalat ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng pulis
sa Metro Manila para bantayan ang mga tsuper na magsasagawa ng tigil pasada
na pangungunahan ng grupong PISTON.
Ayon kay National Capital Regional Police Office Chief Director Oscar
Albayalde, may sapat silang puwersa na ipupuwesto sa mga kritikal na lugar
na kalimitang nagkakaroon ng insidente ng panghaharang sa mga tsuper para
tumigil sa pamamasada.
Paliwanag pa ni Albayalde nakipag-coordinate na umano ang Ncrpo sa Land
Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para tukuyin kung
saan pwedeng mag-deploy ng mga pulis sa mga lugar kung saan may mga
nanghaharang sa mga drivers na ayaw lumahok sa tigil pasada, para hindi
umano magkaroon ng anumang karahasan.
Inatasan na rin ni Albayalde ang lahat ng district director at mga police
station commander sa kalakhang Maynila para mabantayan ang mga critical
areas na maaring pagdausan ng mga protesta ng mga nasabing grupo upang
matiyak na walang kaguluhan sa pagitan ng mga ibang grupong na hindi kasama
sa tigil pasada ng grupong PISTON.
Isasagawa ang tigil pasada ng grupong PISTON bilang pagtutol sa
modernization program ng gobyerno sa Public Utility Vehicles (PUV) at nais
ding pagretiruhin na sa kalsada ang mga luma at karag-karag na jeep subalit
tutol umano dito ang mga driver at operator dahil sa may kamahalan ang mga
bagong jeep na inaalok ng gobyerno.