Isang rattlesnake na may dalawang ulo ang namataan ng dalawang eksperto sa New Jersy, USA.
Ayon sa isa sa mga nakakita, natagpuan daw nila ito habang pinanonood nila ang isang ahas na nanganganak sa isang gubat ng nasabing lugar.
May habang 10-inch, at may bigat na nasa 1 to 2 ounces ang naturang ahas na pinangalanan nilang Double Dave na hinuha sa dalawang ekspertong nakakita rito na pawang parehong David ang ngalan.
Sa kanilang pagsusuri, mayroong dalawang mata at dalawang dila ang ahas na nasa iisang katawan.
Ayon kay Bob Zappalorti, CEO ng Herpetological Associates of Burlington Country, ang ahas ay mayroon ring dalawang utak na magiging dahilan umano para magkaroon ito ng independent act.
Dahil dito, pinangangambahan na magkaroon ng problema ang ahas pagdating sa paghahanap ng pagkain.
Para naman malaman kung mayroon bang magkaibang stomach ang ahas ay isasailalim nila ito sa isang eksperimento kung saan una nilang pakakainin ang mas ‘dominant’ na ulo at saka titignan kung magiging normal ang pagkain nito.
Sunod nila ito ie-Xray upang matignan kung ano ang nangyayari sa loob ng katawan nito.
Isa rin sa kinatatakutan ng mga nasabing eksperto ay ang maliit na tyansang mabuhay ng matagal ang mga gaya nito dahil mabagal umano itong kumilos na maaaring maging sanhi para ito ay mas mabilis mahuli at mapatay ng iba pang hayop.
Kasalukuyan namang nasa pangangalaga ng Herpetological Associates ang naturang ahas.
Samantala, ito raw ang kauna-unahang pagkakataon na may nahuling ganitong uri ng ahas sa nasabing lugar.