Nakatikim ng sermon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Director Guillermo Eleazar sa isang pulis matapos itong ireklamo ng panggagahasa sa isang 15 anyos na dalagita.
Ayon kay Eleazar, nagpositibo sa genital lacerations ang dalagita nang suriin.
Kwento ng ina ng biktima, pareho silang inaresto ng kaniyang asawa noong Biyernes kaugnay ng possession of illegal drugs.
Aniya, kusa silang sumama sa mga awtoridad dahil inosente sila pero dinampot din umano ng mga pulis ang 15-anyos nilang anak kahit wala namang nakuhang ebidensya laban dito.
Binulungan raw ni Valencia ang biktima na mapapawalang-sala ang kanyang mga magulang kung magtatalik sila ng pulis.
Giit ng ina ng biktima, pinagsabihan niya ang anak na huwag pumayag sa kondisyon ng pulis pero ginahasa pa rin umano ni Valencia ang dalagita.
Depensa naman ni Valencia, siya ang biktima at sinisira lang ng mga magulang ng bata ang kaniyang reputasyon.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District Station 4 si Valencia na nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal at administratibo.
Habang si Betty ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).