Timeline para sa Cha-Cha, ipinalalatag na!

Pinaglalatag na ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang Kongreso ng timeline para sa isinusulong na Charter Change (Cha-Cha).

Paliwanag ni Salceda, dahil dadaan pa ang Cha-Cha sa mahigpit na proseso ay mas lalong nababawasan ang panahon para maitulak ito.

Dapat aniyang maisulong at maisakatuparan ang amyenda sa economic provisions bago pa man ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre.


Kung si Salceda na isa ring ekonomista ang tatanungin ay pabor siya na luwagan ang restrictions sa ekonomiya sa mga dayuhan.

Ang paghihigpit aniyang ito ang naging dahilan kaya naungusan na tayo sa national development ng mga kalapit na bansa tulad ng Vietnam, Thailand at Malaysia.

Kung patuloy naman aniyang nakatali ang kamay ng bansa sa mahigpit na foreign ownership ay tiyak na mahihigitan na tayo ng Myanmar at Cambodia.

Dagdag pa ni Salceda, dahil sa restrictions ay nagdulot lamang ito ng paglawak ng monopolies at oligopolies sa ekonomiya at nagbigay lang ng katiting na pag-unlad sa bansa.

Facebook Comments