Timetable ng Senado para sa pagtalakay sa 2023 national budget, nakahanda na

Nakahanda na ang draft schedule o timetable ng Senado para sa pagtalakay ng ₱5.268 trillion na 2023 national budget.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara, uumpisahan ito ng budget briefing sa Senado na pangungunahan ng Development Budget Coordination Committee o DBCC na binubuo ng mga economic managers ng Malacañang.

Agad na itong susundan ng mga committee hearings na ipapatawag ng mga Vice Chairman ng Finance Committee at totokahan ng mga ahensya na bubusisiin ang budget.


Inaasahang magiging tuluy-tuloy ang pagdinig sa pambansang pondo hanggang sa Oktubre at kahit pa sa panahon ng session break.

Target naman na maisumite ang panukalang budget para sa plenary debates ng Senado sa Nobyembre para mapagtibay na ito at malagdaan na ng Pangulo bago matapos ang taon.

Kahapon ay naisumite na ng Malakanyang sa Kamara ang 2023 National Expenditure Program (NEP) kung saan mas mataas ito ng 4.9% kumpara sa 2022 national budget.

Facebook Comments