
Maituturing na isang media report at isang piraso lang ng papel ang report na ginawa ng Minorya tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, hindi ito matatawag na minority report dahil wala pa namang committee report mula sa Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Sotto na hindi rin dapat sa opisina niya isinusumite ng minorya ang kanilang report kundi sa Bills and Index at hihintayin pa muna ng Bills and Index ang main committee report ng Blue Ribbon at saka pa lamang ito maaaring basahin at talakayin sa plenaryo.
Inihalintulad pa ni Sotto sa “turno en contra” ang minority report na inilalabas naman pagkatapos ng isang main speech o main proposal.
At dahil wala pang committee report at hindi pa natatalakay sa plenaryo ang inilabas na report ng minority bloc, iginiit ng Senate President na wala itong bigat sa ngayon.










