Manila, Philippines – Sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Customs Deputy Commissioner Noel Patrick Sales Prudente.
Ginawa ito ng Pangulo kasabay ng pagsira sa tinatayang nasa 34.71-milyong pisong halaga ng mga smuggled motor vehicles sa tanggapan ng BOC sa Port Area, Maynila kahapon.
Sabi ni Duterte – hindi na niya pahihirapan ang kamara sa pag-iimbestiga kay Prudente kaugnay sa mga kwestiyonableng shipping containers na nakalusot sa Manila South Harbor.
Bukod dito, labis din ang mga biyahe abroad ng opisyal kabilang ang ilang beses niyang pagpunta sa Europe na hindi naman otorisado ng gobyerno.
Si Prudente ay dating direktor ng Philippine National Railways na na-appoint sa BOC nito lang Pebrero.
Siya ang ikalawang opisyal ng gobyerno na sinibak ng Pangulo ngayong linggo kasunod ni Government Corporate Counsel Rudolf Philip Jurado.