Tinapos na pagdinig kaugnay sa testimonya ni lascanas, pwede pang buksan

Manila, Philippines-Iginiit ni Liberal Party President Senator Kiko Pangilinan na pwede lang mabuksan muli ang tinapos nang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa testimonya ni SPO3 Arthur Lascañas.

 

Tugon ito ni Pangilinan sa inihayag ni Committee Chairman Senator Panfilo Ping Lacson na hindi na masusundan pa ang pagdinig kaugnay sa pahayag ni Lascañas na nagpapatotoo sa Davao Death Squad o DDS ay nagtuturo kay Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng mga pagpatay na isinagawa nito.

 

Ayon kay Pangilinan, batay sa proseso ng senado, pwede pang pabuksan ang imbestigasyon kapag may lumutang na ebidensya.

 

Pwede rin aniyang basehan ng pagpapatuloy ng pagdinig kapag lumutang na ang sinasabi ni Senator Antonio Trillanes na iba pang testigo na magpapatunay sa mga rebelasyon ni Lascanas.

 

Inihalimbawa ni Pangilinan, na sinarahan na din noong nakaraang taon ang imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay ng extrajudicial killings at Davao Death Squad kung saan tumestigo si Edgar Matobato.

 

Pero dahil nagkaroon ng bagong testimonya si Lascañas ay muli itong nabuksan.

Facebook Comments