Tinapyas na ₱70-B sa ilalim ng proposed 2024 budget para sa salary increase ng government employees, pinapabalik ng isang kongresista

Hiniling ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa Bicameral Conference Committee na ibalik ang P70 billion na tinapyas para sa increase sa sweldo ng mga empleyado ng gobyerno na nakapaloob sa panukalang 2024 national budget.

Ang tinutukoy ni Castro ay ang Miscellaneous Personnel Benefits Fund na mula P135.73 billion ay ibinaba sa P65.73 billion.

Binanggit ni Castro na ang P89.909 billion budget para sa Lump Sum for Compensation Adjustment for Civilian Personnel ay katumbas na P3,254.50 na monthly salary increase sa bawat empleyado ng pamahalaan.


Ayon kay Castro, dahil tinapyasan ito ng ₱70 billion ay papatak na lang sa P720.67 ang inaasahang pagtaas sa buwanang sweldo ng mga taga-gobyerno.

Bunsod nito ay ipinaalala ni Castro na ang salary increase para sa government employees, lalo na ang mga guro, ay kasama sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong panahon ng kampanya.

Facebook Comments