Bagama’t halos natapos na ang anihan, tinaya ng Department of Agriculture (DA) na may 200 ektarya pa ng palayan at maisan ang hindi pa naani at posibleng sirain ni Bagyong Ambo.
Sa virtual presser ng DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na nasa 175,954 ektarya ng palay at 89,303 ektarya ng mais ang name-meligrong salantain ng bagyo sa Bicol Region at Western Visayas.
Ani Reyes, nakahanda na ang kanilang mga operations center sa rehiyon upang i-monitor ang sitwasyon.
Sa ngayon aniya ay nakahanda na ang kanilang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga maapektuhang lugar.
Nakapag-preposition na rin ang ahensya ng 75,875 bags ng rice seeds, 8,448 bags ng corn seeds at mga assorted vegetable seeds para sa Regions 4A, 5, 6, 7 at 8.
Nakahanda na rin ang mga gamot sakaling magkasakit ang mga alagang hayop ng mga magsasaka.
Idinagdag pa ni Reyes, may sapat ring pondo para bayaran ang mga napinsalang pananim ng mga magsasaka sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).