Manila, Philippines – Tinawanan lang ng kampo ni Vice President Leni Robreno ang paglantad ng isang dating konsehal ng Naga City na nagpatunay umano na hotbed ng shabu ang lalawigan.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, hindi nila kailangang patulan ang pahayag ni dating Naga City Councilor Luis Ortega dahil wala naman siyang maipresentang ebidensya.
Aniya, sinakyan lang nito ang isyu dahil sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Gutierrez, hindi naman ito isyu ni Robredo bagkus ito ay isyu ng mga opisyal at mga taga Naga na nagtulong-tulong para maiangat ang lungsod.
Una nang sinabi ni Ortega na panahon pa ni dating Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ay talamak na ang kalakalan ng ilegal na droga sa lungsod.
Itinuro pa ni Ortega ang kapatid ng namayapang kalihim na si Butch Robredo na distributor ng ilegal na droga sa kanilang lugar.