Tindero ng Lutong Pagkain, Pinagbabaril ng Riding in Tandem!

Luna, Isabela – Kaagad na nasawi ang isang tindero ng lutong pagkain matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo ngayong araw sa oras na alas onse kwarentay singko ng umaga sa Sitio Danipao, San Isidro, Luna, Isabela.

Sa ipinarating na impormasyon ni Police Superintendent Warlito Jagto ng Isabela Police Provincial Office , kinilala ang biktima na si Rodolfo Marzan Fernandez, limampung taong gulang, may asawa at residente ng Purok 4 Sto Domingo, Luna ,Isabela.

Sa paunang imbestigasyon nabatid na papauwi si Fernandez sakay ng kanyang tricycle o kolong-kolong mula sa pagtitinda ng lutong pagkain sa karatig na barangay, at pagdating sa nasabing lugar ay lumapit ang hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng motor at pinagbabaril si Fernandez gamit ang maliit na kalibre ng baril at lumayo sa di malamang direksyon.


Ayon kay Police Senior Inspector Reynaldo Viernes ng PNP Luna, kasalukuyan pa ngayon ang masusing imbestigasyon sa naganap na pamamaril kasama ang mga tauhan ng SOCO.

Samantala si Fernandez at ang asawa ay naglalako ng lutong pagkain sa mga bahay-bahay sa kanilang barangay maging sa mga karatig na lugar lalo na umano sa pataniman ng tabako.

Facebook Comments