Sapul sa video ang pagguho ng isang bahay dulot ng pagragasa ng ilog sa Barangay Dana-ili, Abulug, Cagayan.
Sa bidyong ibinahagi ni CA Catenza, maririnig na sumisigaw ang mga residente habang minamasdan ang gumuguhong tirahan.
Dahil din sa matinding pagbaha, lumambot ang pondasyon ng esktraktura at tuluyan bumigay.
Ayon sa may-ari na si Lolita Bugarin, apat na buwan niyang ipinagawa ang dalawang palapag na bahay at water refilling station.
Sa kabila ng kalunos-lunos na insidente, malaki pa rin ang pasasalamat niya dahil walang kapamilyang nasaktan.
Halos dalawang dekada nang naninirahan sa naturang lugar ang pamilya ni Bugarin.
Batay sa datos ng Cagayan PDRRMO, nasa 36 na tirahan ang winasak ng ilog sa nasabing barangay.
Nasa ilalim ng state of calamity ang buong probinsiya ng Cagayan bunsod ng pinsalang dinala ng bagyong Quiel.