NUEVA ECIJA – Nasira ang ilang kabahayan at puno sa bayan ng Sto. Domingo nang manalasa ang isang buhawi, dakong alas-4:50 ng hapon nitong Huwebes.
Sa video na nakalap ng DWWW 774, maririnig ang pagpa-panic ng ilang residente habang tanaw sa kinaroroonan nila ang malakas na bugso ng ulan at hangin.
Dahil dito ay tinangay ang ibang bubungan at nagbagsakan naman sa national highway ng Barangay Malayantok ang mga malalaking puno.
Kuwento ng residenteng si Police Staff Ryan dela Cruz, na unang sumaklolo sa mga nasaktang sibilyan, sa lakas ng hangin ay bumaligtad na sa lansangan ang ilang nakaparadang motorsiklo.
Tatlong residente naman ang naiulat na sugatan sa kasagsagan ng pananalasa ng buhawi.
Agad na iniutos ni DPWH 2nd District Engineer Jerry De Guzman ang pagtatanggal ng mga punong bumagsak para iwas-disgrasya at trapiko sa mga bumabiyaheng motorista.