Trending sa social media ang larawan na ibinahagi ng isang netizen tungkol sa isang kalye sa Makati City na hindi umano nila madaanan dahil buong kalsada raw nila ang sinimentuhan bilang proyekto ng barangay.
Sa facebook post ni Jhae Francisco, ipinakita niya ang kuha ng kanilang kalsada sa Amapola St. Pembo, Makati, na makikitang bagong semento pa.
Sabi niya sa kanyang post, “So paano po ngayon uuwi ang mga taga Amapola kung buong kalsada ang sinemento nyo? Hindi ba dapat isang side muna. Tapos yung isang side ulit?”
Tanggap naman raw nila ang pagsasa-ayos ng kalye ngunit hindi raw nila inaasahan na buong kalsada ang sisimentuhan dahil isang suliranin umano para sa mga residente ang pagdaan at pag-uwi sa kanilang mga bahay.
Ibinahagi rin ni Francisco sa kanyang post na sinubukan raw niya hingin ang pahayag ng engineer at contractor ng nasabing proyekto tungkol sa pagsisimento ng buong kalsada.
“Hindi daw po pu-pwedeng isang side lang muna ang gawin dahil pag dumaan daw po ang mixer matitibag daw po yung unang side na ginawa at dahil hindi daw sila makakapasok gawa ng madadaanan and line canal. Pati wiring daw po mababa matatamaan daw po,” aniya.
Agad namang umani ng samu’t saring reaksyon ang naturang post na kasalukuyang mayroon ng 21k likes na at 13k shares online.