Hindi lamang isa, kundi tatlong ipo-ipo ang namataang namuo sa gitna ng Laguna de Bay noong Sabado, Mayo 30.
Sa kuhang video ni Leody Lucena, agaw-pansin ang sunud-sunod na paglabas ng mga ipo-ipo na sinabayan pa ng malakas na kulog dahilan para magsigawan ang mga residenteng nakakita nito.
Tanaw din sa kinaroroonan ni Jed Martin Arroyo ang lapad at laki ng nagsulputang ipo-ipo. Maya-maya raw ay bigla nang umulan ng hindi kalakasan sa kanilang lugar.
Wala naman naiulat na nasaktan o nasira bunsod ng insidente.
Ang water spout or ipo-ipo ay maaring mabuo sa mga anyong tubig katulad ng lawa o dagat kapag masama ang panahon, base sa PAGASA.
Paglilinaw ng ahensiya, bihirang-bihira ang naturang pangyayari pero lubhang mapanmisla kung mapalapit ito sa sinumang mangingisda o maglalayag o tumawid man sa lupa.
Puwede itong magtagal ng 10 hanggang 30 minuto bago tuluyang mawala.
Nagkakaroon din ng pagkulog, pagkidlat, o pag-ulan kapag may ipo-ipo.